Sabado, Oktubre 5, 2013

Seven Minutes

P A A L A M

Siya ay nakahiga. 
Ang kanyang mga mahal sa buhay ay nakapaligid sa kanya. 
Malungkot. Umiiyak. Nawawalan ng pag-asa. 
Nasasaktan siya sa kanyang mga nakikita.

Isa lang ang naisip niyang solusyon: PUMIKIT.

Sa kanyang pagpikit, siya ay may nakita:

Sampung segundo ng kalungkutan.
Sampung segundo ng kasiyahan.
Sampung segundo ng pagbagsak.
Sampung segundo ng pag-akyat.
Sampung segundo ng pagkahulog.
Sampung segundo ng pagbangon.
Isang minuto ng alaala.

Sampung segundo ng kaba.
Sampung segundo ng pagtataka.
Sampung segundo ng pangangamba.
Sampung segundo ng pagdududa.
Sampung segundo ng pag-aakala.
Sampung segundo ng pag-asa.
Isang minuto ng alaala.

Sampung segundo ng kahihiyan.
Sampung segundo ng pagkahubad.
Sampung segundo ng pag-iyak.
Sampung segundo ng pagdidikta.
Sampung segundo ng pakikipag-away.
Sampung segundo ng sigawan.
Isang minuto ng alaala.

Sampung segundo ng sakit.
Sampung segundo ng pagkabitin.
Sampung segundo ng pagkatalo.
Sampung segundo ng pagtakbo.
Sampung segundo ng pagkagutom.
Sampung segundo ng pagkapikon.
Isang minuto ng alaala.

Sampung segundo ng pagtawa.
Sampung segundo ng pagbibigay-saya.
Sampung segundo ng pagkiliti.
Sampung segundo ng pag-ngiti.
Sampung segundo ng paglaya
Sampung segundo ng saya.
Isang minuto ng alaala.

Sampung segundo ng karangalan.
Sampung segundo ng kasiglahan.
Sampung segundo ng katarungan.
Sampung segundo ng kapayapaan.
Sampung segundo ng pag-angat.
Sampung segundo ng pasasalamat.
Isang minuto ng alaala.

Sampung segundo ng pagsayaw.
Sampung segundo ng pagkanta.
Sampung segundo ng pagtula.
Sampung segundo ng pakikipaglaro.
Sampung segundo ng pagkapanalo.
Sampung segundo ng pagiging ako.
Isang minuto ng alaala.

PITONG MINUTO NG MGA ALAALA.
MGA ALAALA NG BUHAY KO.

Pagkatapos ng pitong minutong pagpikit, 
mayroon siyang narinig.
"Tapos na ang iyong oras sa lupa. 
Halika na, aking anak."
[ W A K A S ]
.   .   .   .   .   .   .   .   .   .   .

Sabado, Setyembre 28, 2013

Ang Lakas ni Maganda

P A N S I N I N




B: "Honey, saan ka pupunta?"
L: "May gulo raw sa kabilang kalye, tutulong lang ako."
B: "Ganun ba? Sige sasamahan na kita."
L: "Bakit pa? Dito ka lang. WALA kang magagawa roon."
Malungkot na bumalik ang babae sa kanyang silid.

B: "Honey, saan ka pupunta?"
L: "Ipapaayos ko lang ang kotse natin."
B: "Bakit? Anong sira?"
L: "Basta. Hindi mo maiintindihan."
B: "Sama na lang ako sa iyo."
L: "Bakit pa? Dito ka lang. WALA ka namang maitutulong."
Malungkot na bumalik ang babae sa kanyang silid.

B: "Honey, saan ka pupunta?"
L: "Magpapahangin lang."
B: "Mukhang problemado ka? Anong problema?"
L: "Basta."
B: "Samahan kita, usap tayo sa labas."
L: "Dito ka lang."
B: "Bakit? Ano ba ang pwede kong maitulong sa iyo?"
L: "WALA."
Malungkot na bumalik ang babae sa kanyang silid.

Isang araw, lumabas na naman ang lalaki at naiwang mag-isa ang babae sa kanilang bahay. 
"Wala ba talaga ako sa lipunang ito?" tanong nito sa sarili. Naisipan niyang lumabas ng kanilang bahay. Pumunta siya sa isang tindahan sa kanto ng kanilang kalye. Napansin niyang puro lalaki ang nakapila rito ngunit tumuloy pa rin siya sa tindahan.

"Mis, mauna ka na."

Nagulat ang babae nang paunahin siya sa pila ng mga lalaki. "Oh akala ko ba wala lang ako? Buti pa kayo, napapansin niyo ako." bulong nito sa sarili. 

Matapos bumili, pumunta siya sa isang tambayan kung saan ang mga drayber ng traysikel ay nanonood ng pelikula sa telebisyong nakalagay doon. Tumayo siya sa likod ng mga nakaupong lalaking drayber at nakinood.

"Oh mis upuan, ikaw na lang ang umupo."

Nagulat ang babae sa pag-aalok sa kanya ng upuan ng mga drayber. "Oh akala ko ba wala lang ako? Buti pa kayo napapansin niyo ako." bulong nito sa sarili. 

Matapos makinood ng pelikula ay napansin niya na dumidilim na ang paligid kaya naman minarapat na nitong umuwi. Pag-uwi sa kanila, natagpuan nito ang kanyang asawa na nahihirapan sa pagluluto ng pagkain.


L: "Saan ka nanggaling?"

B: "Namasyal lang sa labas. Akin na, tulungan na kita dyan."
Hindi nakasagot ang lalaki. Hindi niya nakuhang tanggihan ang alok ng babae.

B: "Oh ayan, tapos na. Tara kain na tayo."
L: "Salamat honey."

Nagulat ang babae sa sinambit ng kanyang asawa. 
"Oh akala ko ba wala lang ako? Buti naman napansin mo na ang kakayahan ko."

.     .     .     .     .     .     .     .

Biyernes, Setyembre 20, 2013

Hubad na Katotohanan

M A L A Y A    B A    K A M O ?

Sabi ng lipunan, sila ay . . .


HINDI MALAYA.
__________________________________________________



MALAYA.
__________________________________________________



MAS MALAYA.
__________________________________________________



PINAKAMALAYA.
__________________________________________________



MAS MALAYA SA PINAKAMALAYA.
__________________________________________________


PINAKAMALAYA SA LAHAT NG MALAYA.

__________________________________________________

Ito ba ang gustong ipahiwatig ng lipunan?

. . . . . . . . . . . . . . . . 

Sources:
http://i.dailymail.co.uk/i/pix/2013/08/27/article-2402980-1B6CF085000005DC-381_306x423.jpg
http://www.123rf.com/photo_8975357_young-arab-man-of-muslim-religion-praying-isolated-on-white-background.html
http://www.esquire.com/style/how-to-wear-jeans-polo-shirt#slide-2
http://www.londonfashion.org.uk/wp-content/uploads/2012/02/Shirt-and-jeans-women.jpg
http://www.forever21.com/product/br.aspx?br21=sleeveless-cotton-muscle-tee
http://www.paperalligator.com/men/tanktops/stay-faded-mens-tank-top.html/
http://img005.lazygirls.info/people/katherine_webb/katherine_webb_sports_illustrated_s_newest_swimsuit_model_YItFfZNe.sized.jpg
http://cdna.lystit.com/photos/2012/05/27/vilebrequin-blue-ocean-turtle-boardshorts-product-1-2852579-657982955_large_flex.jpeg
http://www.vebidoo.de/jared+adams
http://www.allvoices.com/contributed-news/10455563/image/87037669-jade-thompson-no-clothes-pic
http://villains.wikia.com/wiki/File:Dancing_skeleton.gif

Biyernes, Setyembre 13, 2013

De-Feminine

S A L A M A T


Babae,

Sa mundong ito, wag na wag mong sasabihin sa sarili na kayong mga babae ay 'wala' lang.

Bakit?

Dahil sa isang babae sa buhay ng bawat lalaki na siyang nagpapatunay na wala kami dito kung wala rin kayo. Isang malaking utang na loob namin sa inyo ang aming presensya sa mundong ito. Isang utang na loob na hindi matutumbasan ng kung ano man.

Lahat ng kalalakihan ay nagmumula sa mga babae.

Lubos na gumagalang,
Lalaki


Sabado, Setyembre 7, 2013

Siyensya sa Patriyarka

MAPANURI, MAPANGMATYAG. AHA!

Sa Physics:



Sa Patriyarkal na Lipunan:
 




Sabado, Agosto 24, 2013

Ang pag-uulit sa inulit-ulit na pag-uulit.

P E L I K U L A



Marami sa mga Pilipino ngayon ay mas tinatangkilik ang mga international films kaysa sa mga pelikula na gawa ng mga kapwa natin Pilipino. Iyan ang isang bagay na hindi natin maikakaila. Iyong iba nga ay ikinakahiya pa sa iba kapag sila ay nanonood ng local films.

Bakit nga ba?

Nagsaliksik ako ng mga posibleng dahilan kung bakit nangyayari ito sa ating mga Pilipino. Ito ang ilan sa aking mga nakalap:

(1) Ang special effects ay masyadong pambata.

(2) Paulit-ulit ang istorya ng mga Pinoy movies.

(3) Nawawalan ng istorya ang mga comedy films dahil napupuno ng punchlines.

(4) Puro tungkol sa sex, mistress, patayan ang karamihan sa mga pelikula ngayon.

Pero isipin muna natin, bakit ba ganito ang nakikita natin sa mga pelikulang Pilipino?


Masyado raw pambata ang special effects. Hindi kaya dahil bata rin ang target audience ng mga pelikulang ito? At alam naman nating lahat na gusto ng mga bata ang makukulay na mga bagay. 

Kung ikukumpara naman ito sa international movies ay hindi natin maitatanggi na mas maganda nga talaga ang sa kanila kaysa sa atin. Baka naman kasi mas nauna sila magkaroon ng mga high-tech na bagay at kaalaman sa mga ito kaya nakakaya nilang gumawa ng ganoon? Mas moderno kaya sila kaysa sa ating bansa?

Paulit-ulit daw ang istorya ng mga Pinoy movies. Laging sa simula ay masaya, tapos magkakaproblema, mareresolba ang problema at magiging masaya muli sa huli. Ganoon naman talaga lahat ng pelikula diba?

Pero bakit hindi maisipan ng mga Pinoy na gumawa ng tulad ng "50 First Dates" at "Inception"?

Ang galing talaga ng istorya ng mga pelikulang ito, talagang pinagisipan.


Ang "50 First Dates" ay kwento ng isang babae na na-aksidente kaya siya nagkaroon ng short-term memory loss at nakakalimutan ang nangyayari sa bawat araw matapos ang aksidente. Hindi lang ito basta amnesia na kadalasang makikita sa Pinoy movies.

Ang "Inception" naman ay umiikot sa pagkakaroon ng panaginip sa loob ng isa pang panaginip. Ganoon lang kasimple pero halatang pinag-isipan ang istorya.

Bakit kaya hindi makagawa ng ganoong istorya ang mga Pilipino? Siguro sa panahon ngayon ay sasabihin ng marami na walang originality at puro panggagaya lamang ang alam ng mga Pinoy kapag nakagawa ng bago. Iyan ang isa pang problema sa atin ngayon sa modernong panahon eh, masyado na tayong mapanghusga.

Isa pang pagkakamali sa Pinoy movies ay ang pagkawala raw ng istorya ng mga comedy films dahil natatabunan ang mga eksena ng puro punchlines ng pagpapatawa. Sabagay, kasiyahan nga naman kasi ang habol ng mga manonood nito. 

Pero kung titingnan natin, maraming eksena sa mga comedy films ang walang sense, isinisingit lang ang mga ito para madagdagan ang mga nakakatawang parte ng pelikula. At kung aalisin ang mga eksenang ito, wala namang mawawala sa istorya ng pelikula. Nagmumukha tuloy na hindi ganoon kalalim na pinagiisipan ang mga local films.

Marami sa pelikula ngayon ay tungkol sa sex, kabit (mistress), at patayan. Marami rin sa mga manonood ngayon ay mga bata. Nakikita nila ang mga eksenang hindi naman nila dapat makita. Pero ganoon eh, masyado nang malaya ang mga tao ngayong modernong panahon. Kahit ang mga teleserye na karamihan ay bata ang manonood ay kinakikitaan ng malalaswang eksena.




Siguro isa itong dahilan kung bakit marami ngayon ay nabubuntis ng maaga. Sa murang edad pa lamang ay nalalantad na sa kanila ang mga hindi dapat. Sa simpleng paggastos ng 200 pesos para sa panonood sa sinehan ay kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ng mga kabataan.

Pero may rason din naman siguro ang mga filmmaker sa paggawa ng ganitong mga pelikula. Siguro ay napagtanto nila na sa ganito interesado ang karamihan sa mga manonood at nasa modernong panahon na tayo; mas malaya na at mas open-minded ang mga tao tungkol sa mga bagay-bagay.

Tama nga naman sila sa mga dahilan nila kung bakit mas tinatangkilik nila ang mga international films kaysa sa local films. Kahit sa mga tindahan ng mga piratang pelikula ay mas marami ang international movies kaysa sa local films. Pero pag-isipan din natin. Kung gusto natin na umunlad ang sarili nating mga pelikula ay dapat, bilang manonood, may gawin din tayo. Siguro naman alam mo na kung ano ang tinutukoy ko.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Biyernes, Agosto 9, 2013

Paglaya Mula sa Kaayusan

BUHAY = PANITIKAN

          Ang bilis ng oras. Parang ilang buwan lang ang nakalipas mula noong ako ay nakikipag-agawan pa ng crayola sa aking mga kaklase upang makuha ang gusto kong kulay. Pero hindi. Higit isang dekada na ang nakalipas mula ng panahong iyon. Napaka-tagal na pala. Nararamdaman ko na tuloy na ang tanda ko na ngayon. Sa isang banda, unti-unti ko nang na-mimiss ang pagiging bata. Pero wala akong magawa kundi sumunod sa pagbabago at sa daloy ng panahon.

Sabi nga nila:
"The only permanent thing in this world is change."

 Kahit gustuhin ko man, hindi ko kayang pigilan ang pagbabago sa mundong ito. Ganyan talaga ang buhay, eh.

          Noong bata pa ako, lahat ng ginagawa ko ay kontrolado. Kontrolado ito sa pagsunod ko sa mga magulang ko. Lahat ng ginagawa ko ay batay lamang sa kung ano ang itinuturo nila sa akin. Dahil doon, halos lahat ng ginagawa ko noon ay tama. Wala (o kakaunti lamang) ang pagkakataon na ako ay makagawa ng mali kasi sunod lang ako ng sunod sa aking mga magulang.

          Pero habang ako ay lumalaki at nagkakaroon ng isip, nagiging mas malaya ako sa mga desisyon ko sa paggawa ng mga bagay-bagay. Nagbago ang pananaw ko sa mga nakikita ko sa paligid dahil sa aking mga karanasan. Nagkaroon tuloy ng espasyo sa aking buhay na ako ay makagawa ng mali dahil sa kalayaan na unti-unti kong nakakamit sa aking paglaki. 

          Ngayong ako ay nasa kolehiyo, panahon na para maging mas independent dahil sinisimulan ko nang harapin ang totoong mundo, ang mundo na walang kasiguraduhan sa kaligtasan ng isang tao. Mas malaya na ako ngayon kumpara noong ako ay bata pa. Malayang makagawa ng mga bagay na gusto kong gawin. Malayang magkamali at matuto mula sa mga iyon. Malayang madapa at bumangon ulit. Mas malaya na ako na ihayag ang mga saloobin ko kasi nasa tamang pag-iisip na ako.

          Ang ganitong karanasan ng pagging malaya mula sa pagawa ng mga ideyal na bagay ay maihahantulad ko sa napag-usapan namin sa klase tungkol sa tradisyunal at modernong panitikan. 

       Maaari nating matukoy ang uri ng isang panitikan katulad ng pagtukoy natin kung ang isang tao ay bata o may edad na. Ang tradisyunal na panitikan ay parang bata na laging kaayusan o order ang pinapairal. Laging masaya, tama, at ideyal ang mga emosyon at gawain na nakikita sa mga ito. 

           Ang moderno naman ay maihahambing sa isang teenager o kahit sa mga may edad na mga tao. Mas malaya na ang mga ito. May mga pagkakataon na kinekwestyon ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga bata o tradisyunal na panitikan. Hindi lahat ng pinapairal ng mga ito ay tama. Mas makatotohanan ang mga ito at pwede natin i-relate sa uri ng buhay na ating nararanasan.

          Ang galing eh no? Ang pagtanda pala ng isang tao ay parang pag-evolve ng panitikan mula tradisyunal sa pagiging moderno.


.      .      .      .      .      .      .     .      .      .





Sabado, Hulyo 27, 2013

May Pera sa Basura

SIPAG AT TIYAGA

Nagkaroon kami ng diskusyon sa klase noong Lunes tungkol sa "Anyaya sa Karalitaan" ni Manuel Principe Bautista.

Pag-uwi ko sa dorm at pagbukas ko ng aking laptop, may nakita akong isang balita na maaaring maihalintulad sa huling linya sa tulang ito:

"Dapat mong mabatid na sa kahirapan,
Lalong gumaganda ang pangit na buhay!"

Ang balita na aking nakita ay tungkol sa buhay ni Aling Trining, isang dating basurera na ngayon ay milyonarya na. Nakakagulat ano?

Ipinakita sa video na aking napanood kung paano niya natupad ang kanyang mga pangarap na umasenso ang buhay. Pangarap niya maging abogada noong bata pa siya. Grade 6 lang ang inabot ni Aling Trining at noong 11 taong gulang siya ay iluwas siya sa Maynila. Doon siya napasabak sa pagbibilang ng basura pero hindi niya inakalang may pera sa basura. 

Sa junk shop na rin na iyon niya nakilala ang kaniyang asawa ngayon, at noong lumaki ang kanilang pamilya ay nagtayo na sila ng sariling junk shop. Bumibili sila ng basura at ibinebenta nila ng may tubo. Tinatago nila yung mga tubo upang maka-ipon. Doon nagsimula ang pagbabago sa buhay nila.

Kung dati ay nagsisiksikan lang sila sa isang maliit a sulok sa Taytay, Rizal na kanila pang inuupahan, ngayon ay may three-story building na bahay na sila. Napagtapos na rin niya ng kolehiyo ang kaniyang mga anak. Mula sa papulot-pulot lang ng basura noon, si Aling Trining ay reyna na ng junk shop ngayon.

Nakakabilib at nakaka-antig talaga ang ganitong mga istorya, lalo na't kapwa natin Pilipino ay nakaranas ng ganito kalaking pagbabago sa buhay nila. Sipag at tiyaga lang talaga. Hindi sila nawalan ng pag-asa at kahit sa simpleng junk shop lang ay napa-unlad nila ang kanilang buhay. Ginamit lang talaga nila ang mga natutunan nila noong nasa karalitaan pa ang buhay nila para marating ang estado ng buhay nila ngayon. 

Sabi nga ng reporter sa aking dokyumentaryang napanood,
"Isa itong patunay na ano mang hirap,
HINDI IMPOSIBLENG UMANGAT SA BUHAY." 

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Narito ang documentary video ng pag-unlad ng buhay ni Aling Trining.

Sabado, Hulyo 20, 2013

Panitikan, Patinikan.


             T I N I K            


"Ang panitikan ay isang malaya at mapagpalayang sining na nagpapahayag ng damdamin sa isang matalinhaga at organisadong paraan na maaaring gawan ng iba-ibang interpretasyon buhat sa iisang kahulugan." 

Iyan ang kahulugan panitikan na nagmula sa isang kaklase ko sa FIL 11.


Aaminin ko, mahirap intindihin ang totoong kahulugan ng panitikan. Mahirap sabihin kung ang isang teksto ay isang uri ng panitikan. Mahirap bigyan ng sariling kahulugan o interpretasyon ang panitikan. Mahirap. MAHIRAP.

Pero mahirap man, mahalaga naman ito sa buhay ng tao. Isa itong paraan upang mailabas natin ang ating emosyon at saloobin sa masining na paraan. Nagkakaroon tayo ng dahilan upang pagisipan ng mabuti ang kahulugan ng bawat awit, tula at mga tekstong pampanitikan.

Kakatapos ko lamang kumain ng tanghalian at naisip ko na parang tinik pala ang panitikan. Bakit?

Una, ang tinik ay nasa kaloob-loobang parte ng isang isda. Hindi mo ito makikita agad kung hindi mo tatanggalin ang laman ng isda. Sa panitikan, ang kahulugan ay nakatago sa pinakamalalim na bahagi ng isang sining: maging tula, kanta o pag-arte pa ito.

Ikalawa, iba-iba ang interpretasyon natin sa tinik. Sa mga katulad ko, wala itong saysay sa pagkain ng isda. Sa totoo lang, nakakainis ang tinik pagdating sa pagkain. Para naman sa mga maka-siyensya, mahalaga ang tinik sa buhay ng isang isda dahil ito ang nagsisilbing backbone ng hayop na iyon. Maaring sipsipin pa ang tinik upang malasap ng todo ang nilalaman ng isdang kinakain. Pagdating naman sa panitikan, kailangan din himayin at sipsipin ang bawat detalye para maunawaan mabuti ang kahulugan nito.


Ikatlo, iba ang pakiramdam kapag na-tinik habang kumakain. Masakit. Mahirap. Kahit na anong gawin upang maalis ito, nandoon pa rin ang sakit. Parang panitikan, kapag naipasok mo ang iyong sarili sa iyong binasa o inuunawang teksto, mahrap na makaalis. Nakadikit na sa iyo kung ano ang iyong naunawaan at mahirap itong makalimutan. Iba talaga ang tama ng panitikan. Parang tinik nga naman. 
Patinikan, pahirapan.


Nag-iba ang tingin ko sa panitikan. Akala ko ay mabilis lang ito unawain ngunit noong tumungtong ako sa kolehiyo, aking napagtanto na isang mabigat na salita pala ito. 

. . . . . . . . . .


Sabado, Hulyo 13, 2013

Ano ang pinagkaiba?

TRADISYUNAL vs MODERNO


Habang kami ay nagdidiskusyon sa klase ng FIL 11 noong Miyerkules tungkol sa tradisyunal at modernong mga kaalaman, biglang gumunita sa aking mga isip ang aking kabataan.


Noong ako ay bata pa, kami ay nanirahan sa aming unang bahay sa Nagcarlan, Laguna. Tandang-tanda ko pa ang aking mga nilalaro noon sa bahay at maging sa kalye, kasama ang kapwa ko mga bata sa aming lugar.


TEKS
Ang larong ito ay ginagamitan ng mga maliliit na baraha at pinipitik pataas. Kung tama ang aking pagkaka-alala, ang mga nakataob pagbagsak ay mapupunta sa kalaban habang ang mga nakaharap naman ay mapupunta sa iyo. Masaya ang larong ito dahil umaasa lang kami sa swerte. Walang nagkakasakitan dito dahil maliliit na bagay lang ang gamit namin. Minsan nga ay pagandahan pa kami ng disensyo ng mga teks at iniingatan namin ang magaganda ang pagkakagawa at yung mga bago pa.


                           BEYBLADE
Naaalala ko pa ang pagkahilig ko sa beyblade noong bata pa ako. Hindi man ito ganoon ka-luma ay maituturingko pa rin itong tradisyunal dahil parte ito ng aking kabataan at hindi ito ginagamitan ng kung anomang baterya o kuryente. Ang kailangan lang ay diskarte at lakas ng kamay sa paghila ng tali upang mabilis ang pag-ikot ng beyblade. Maituturing itong parang trumpo ngunit mas maganda ang panlabas na anyo at mas nababagay ang itsura sa mga batang palaban. Kapag ay uuwi noon sa bahay ay ito agad ang aking hinahanap. Maraming nabibiling mga beyblade noon kahit sa mga palengke. Mura man, kung malakas naman ay iyong paggamit at madiskarte ka ay maaari kang magwagi sa mga laban.
Ang beyblade nga pala ay hango sa isang palabas sa telebisyon noong ako ay bata pa.


POGS
Ang pogs naman ay nauso noong ako ay nasa ikatlong baytang sa elementarya. Kailangan dito ng diskarte at lakas ng pagbato ng isang pog sa grupo ng mga pogs. Ang lahat ng bumaliktad ay mapupunta sa tumira. Halinhinan din ang pagtira dito katulad ng iba pang laro. Madalas ako makipaglaro nito sa aking mga kaklase at mga pinsan.



Makalipas ang ilang taon, naglabasan na ang iba't-ibang produkto ng modernong teknolohiya na
nagbigay liwanag sa buhay ng tao. 

Noong una kong narinig ang 'iPhone' ay wala akong pakialam kung ano ito dahil kuntento na ako sa aking cellphone noong mga panahong iyon. Ngunit noong ako ay nabigyan nito, sobra akong nasiyahan. Hindi ko inaasahan na ganoon pala kaganda ang mga laman ng teleponong iyon. 



Noong mga panahong iyon ay maramdaman ko naang pagbabago ng panahon. Napagtanto ko na tapos na ang aking kabataan at unti-unti na akong tumatanda kasabay ng pagbabagosa teknolohiya. Kaunting pindot lang ay may bago na akong laro na maaaring gamitin pampalipas ng oras. Kapag may nauso na bagong laro ay maaari na akong makibagay agad ng hindi na gumagastos. Maaari rin akong makipaglaro sa aking mga kaibigan sa malayong lugar sa pamamagitan ng internet.

Hindi natin makakaila na maganda rin ang epekto ng mga modernong bagay sa ating buhay. Napapadali nito angpakilipagsapalaran natin araw-araw. Higit na mas malaya ito kumpara sa tradisyunal na mga kaalaman. Sa kabilang banda, may mga kalamangan din naman ang tradisyunal na mga bagay sa modernong mga bagay. Ang mga tradisyunal na laro ay nakakatulong sa paggamit ng ating buong katawan sa paggalaw at pagdiskarte upang makapamang sa kalaban. Mas ginagamitan din ito ng malalim na pagiisip para hindi mapahiya sa harap ng mga kaibigan. Tama naman diba? Sino ba naman ang gustong matalo sa harap ng kanyang mga kaibigan. Ang paggamit ng makabagong teknolohiya ay maaaring gawin tayong tamad. Pwedeng nakaupo ka lang buong maghapon sa paglalaro, hindi mo na naehersisyo ang iyong katawan. Mas
magkakaroon din tayo ng kaibigan kung lalabas tayo ng bahay at makikipagsalamuha sa iba sa paglaro ng mga tradisyunal na laro. Paano kung nabaoj ka na sa paggamit ng iPad at hindi ka na lumalabas ng bahay niyo? Paano na ang mga kaibigan mo na sa labas ay nagpapakasaya? Kapag nakalimutan ka na nila, saan ka na pupulutin?

Sa bandang huli, kailangan talaga natin pagisipan ang ating paggamit ng ating oras. Hindi dapat kalimutan ang mga tradisyunal na bagay. Hindi porket nandyan na ang mga makabagong kaalaman ay doon nalang tayo magtutuon ng pansin. Tandaan natin na hindi magiging posible lahat ng ito kung hindi nagmula sa mga tradisyunal na kaalaman. Ating tandaan ang napakasikat na kasabihan:

"Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan."