Biyernes, Agosto 9, 2013

Paglaya Mula sa Kaayusan

BUHAY = PANITIKAN

          Ang bilis ng oras. Parang ilang buwan lang ang nakalipas mula noong ako ay nakikipag-agawan pa ng crayola sa aking mga kaklase upang makuha ang gusto kong kulay. Pero hindi. Higit isang dekada na ang nakalipas mula ng panahong iyon. Napaka-tagal na pala. Nararamdaman ko na tuloy na ang tanda ko na ngayon. Sa isang banda, unti-unti ko nang na-mimiss ang pagiging bata. Pero wala akong magawa kundi sumunod sa pagbabago at sa daloy ng panahon.

Sabi nga nila:
"The only permanent thing in this world is change."

 Kahit gustuhin ko man, hindi ko kayang pigilan ang pagbabago sa mundong ito. Ganyan talaga ang buhay, eh.

          Noong bata pa ako, lahat ng ginagawa ko ay kontrolado. Kontrolado ito sa pagsunod ko sa mga magulang ko. Lahat ng ginagawa ko ay batay lamang sa kung ano ang itinuturo nila sa akin. Dahil doon, halos lahat ng ginagawa ko noon ay tama. Wala (o kakaunti lamang) ang pagkakataon na ako ay makagawa ng mali kasi sunod lang ako ng sunod sa aking mga magulang.

          Pero habang ako ay lumalaki at nagkakaroon ng isip, nagiging mas malaya ako sa mga desisyon ko sa paggawa ng mga bagay-bagay. Nagbago ang pananaw ko sa mga nakikita ko sa paligid dahil sa aking mga karanasan. Nagkaroon tuloy ng espasyo sa aking buhay na ako ay makagawa ng mali dahil sa kalayaan na unti-unti kong nakakamit sa aking paglaki. 

          Ngayong ako ay nasa kolehiyo, panahon na para maging mas independent dahil sinisimulan ko nang harapin ang totoong mundo, ang mundo na walang kasiguraduhan sa kaligtasan ng isang tao. Mas malaya na ako ngayon kumpara noong ako ay bata pa. Malayang makagawa ng mga bagay na gusto kong gawin. Malayang magkamali at matuto mula sa mga iyon. Malayang madapa at bumangon ulit. Mas malaya na ako na ihayag ang mga saloobin ko kasi nasa tamang pag-iisip na ako.

          Ang ganitong karanasan ng pagging malaya mula sa pagawa ng mga ideyal na bagay ay maihahantulad ko sa napag-usapan namin sa klase tungkol sa tradisyunal at modernong panitikan. 

       Maaari nating matukoy ang uri ng isang panitikan katulad ng pagtukoy natin kung ang isang tao ay bata o may edad na. Ang tradisyunal na panitikan ay parang bata na laging kaayusan o order ang pinapairal. Laging masaya, tama, at ideyal ang mga emosyon at gawain na nakikita sa mga ito. 

           Ang moderno naman ay maihahambing sa isang teenager o kahit sa mga may edad na mga tao. Mas malaya na ang mga ito. May mga pagkakataon na kinekwestyon ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga bata o tradisyunal na panitikan. Hindi lahat ng pinapairal ng mga ito ay tama. Mas makatotohanan ang mga ito at pwede natin i-relate sa uri ng buhay na ating nararanasan.

          Ang galing eh no? Ang pagtanda pala ng isang tao ay parang pag-evolve ng panitikan mula tradisyunal sa pagiging moderno.


.      .      .      .      .      .      .     .      .      .