Sabado, Hulyo 27, 2013

May Pera sa Basura

SIPAG AT TIYAGA

Nagkaroon kami ng diskusyon sa klase noong Lunes tungkol sa "Anyaya sa Karalitaan" ni Manuel Principe Bautista.

Pag-uwi ko sa dorm at pagbukas ko ng aking laptop, may nakita akong isang balita na maaaring maihalintulad sa huling linya sa tulang ito:

"Dapat mong mabatid na sa kahirapan,
Lalong gumaganda ang pangit na buhay!"

Ang balita na aking nakita ay tungkol sa buhay ni Aling Trining, isang dating basurera na ngayon ay milyonarya na. Nakakagulat ano?

Ipinakita sa video na aking napanood kung paano niya natupad ang kanyang mga pangarap na umasenso ang buhay. Pangarap niya maging abogada noong bata pa siya. Grade 6 lang ang inabot ni Aling Trining at noong 11 taong gulang siya ay iluwas siya sa Maynila. Doon siya napasabak sa pagbibilang ng basura pero hindi niya inakalang may pera sa basura. 

Sa junk shop na rin na iyon niya nakilala ang kaniyang asawa ngayon, at noong lumaki ang kanilang pamilya ay nagtayo na sila ng sariling junk shop. Bumibili sila ng basura at ibinebenta nila ng may tubo. Tinatago nila yung mga tubo upang maka-ipon. Doon nagsimula ang pagbabago sa buhay nila.

Kung dati ay nagsisiksikan lang sila sa isang maliit a sulok sa Taytay, Rizal na kanila pang inuupahan, ngayon ay may three-story building na bahay na sila. Napagtapos na rin niya ng kolehiyo ang kaniyang mga anak. Mula sa papulot-pulot lang ng basura noon, si Aling Trining ay reyna na ng junk shop ngayon.

Nakakabilib at nakaka-antig talaga ang ganitong mga istorya, lalo na't kapwa natin Pilipino ay nakaranas ng ganito kalaking pagbabago sa buhay nila. Sipag at tiyaga lang talaga. Hindi sila nawalan ng pag-asa at kahit sa simpleng junk shop lang ay napa-unlad nila ang kanilang buhay. Ginamit lang talaga nila ang mga natutunan nila noong nasa karalitaan pa ang buhay nila para marating ang estado ng buhay nila ngayon. 

Sabi nga ng reporter sa aking dokyumentaryang napanood,
"Isa itong patunay na ano mang hirap,
HINDI IMPOSIBLENG UMANGAT SA BUHAY." 

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Narito ang documentary video ng pag-unlad ng buhay ni Aling Trining.