Sabado, Agosto 24, 2013

Ang pag-uulit sa inulit-ulit na pag-uulit.

P E L I K U L A



Marami sa mga Pilipino ngayon ay mas tinatangkilik ang mga international films kaysa sa mga pelikula na gawa ng mga kapwa natin Pilipino. Iyan ang isang bagay na hindi natin maikakaila. Iyong iba nga ay ikinakahiya pa sa iba kapag sila ay nanonood ng local films.

Bakit nga ba?

Nagsaliksik ako ng mga posibleng dahilan kung bakit nangyayari ito sa ating mga Pilipino. Ito ang ilan sa aking mga nakalap:

(1) Ang special effects ay masyadong pambata.

(2) Paulit-ulit ang istorya ng mga Pinoy movies.

(3) Nawawalan ng istorya ang mga comedy films dahil napupuno ng punchlines.

(4) Puro tungkol sa sex, mistress, patayan ang karamihan sa mga pelikula ngayon.

Pero isipin muna natin, bakit ba ganito ang nakikita natin sa mga pelikulang Pilipino?


Masyado raw pambata ang special effects. Hindi kaya dahil bata rin ang target audience ng mga pelikulang ito? At alam naman nating lahat na gusto ng mga bata ang makukulay na mga bagay. 

Kung ikukumpara naman ito sa international movies ay hindi natin maitatanggi na mas maganda nga talaga ang sa kanila kaysa sa atin. Baka naman kasi mas nauna sila magkaroon ng mga high-tech na bagay at kaalaman sa mga ito kaya nakakaya nilang gumawa ng ganoon? Mas moderno kaya sila kaysa sa ating bansa?

Paulit-ulit daw ang istorya ng mga Pinoy movies. Laging sa simula ay masaya, tapos magkakaproblema, mareresolba ang problema at magiging masaya muli sa huli. Ganoon naman talaga lahat ng pelikula diba?

Pero bakit hindi maisipan ng mga Pinoy na gumawa ng tulad ng "50 First Dates" at "Inception"?

Ang galing talaga ng istorya ng mga pelikulang ito, talagang pinagisipan.


Ang "50 First Dates" ay kwento ng isang babae na na-aksidente kaya siya nagkaroon ng short-term memory loss at nakakalimutan ang nangyayari sa bawat araw matapos ang aksidente. Hindi lang ito basta amnesia na kadalasang makikita sa Pinoy movies.

Ang "Inception" naman ay umiikot sa pagkakaroon ng panaginip sa loob ng isa pang panaginip. Ganoon lang kasimple pero halatang pinag-isipan ang istorya.

Bakit kaya hindi makagawa ng ganoong istorya ang mga Pilipino? Siguro sa panahon ngayon ay sasabihin ng marami na walang originality at puro panggagaya lamang ang alam ng mga Pinoy kapag nakagawa ng bago. Iyan ang isa pang problema sa atin ngayon sa modernong panahon eh, masyado na tayong mapanghusga.

Isa pang pagkakamali sa Pinoy movies ay ang pagkawala raw ng istorya ng mga comedy films dahil natatabunan ang mga eksena ng puro punchlines ng pagpapatawa. Sabagay, kasiyahan nga naman kasi ang habol ng mga manonood nito. 

Pero kung titingnan natin, maraming eksena sa mga comedy films ang walang sense, isinisingit lang ang mga ito para madagdagan ang mga nakakatawang parte ng pelikula. At kung aalisin ang mga eksenang ito, wala namang mawawala sa istorya ng pelikula. Nagmumukha tuloy na hindi ganoon kalalim na pinagiisipan ang mga local films.

Marami sa pelikula ngayon ay tungkol sa sex, kabit (mistress), at patayan. Marami rin sa mga manonood ngayon ay mga bata. Nakikita nila ang mga eksenang hindi naman nila dapat makita. Pero ganoon eh, masyado nang malaya ang mga tao ngayong modernong panahon. Kahit ang mga teleserye na karamihan ay bata ang manonood ay kinakikitaan ng malalaswang eksena.




Siguro isa itong dahilan kung bakit marami ngayon ay nabubuntis ng maaga. Sa murang edad pa lamang ay nalalantad na sa kanila ang mga hindi dapat. Sa simpleng paggastos ng 200 pesos para sa panonood sa sinehan ay kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ng mga kabataan.

Pero may rason din naman siguro ang mga filmmaker sa paggawa ng ganitong mga pelikula. Siguro ay napagtanto nila na sa ganito interesado ang karamihan sa mga manonood at nasa modernong panahon na tayo; mas malaya na at mas open-minded ang mga tao tungkol sa mga bagay-bagay.

Tama nga naman sila sa mga dahilan nila kung bakit mas tinatangkilik nila ang mga international films kaysa sa local films. Kahit sa mga tindahan ng mga piratang pelikula ay mas marami ang international movies kaysa sa local films. Pero pag-isipan din natin. Kung gusto natin na umunlad ang sarili nating mga pelikula ay dapat, bilang manonood, may gawin din tayo. Siguro naman alam mo na kung ano ang tinutukoy ko.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .