"Ang panitikan ay isang malaya at mapagpalayang sining na nagpapahayag ng damdamin sa isang matalinhaga at organisadong paraan na maaaring gawan ng iba-ibang interpretasyon buhat sa iisang kahulugan."
Iyan ang kahulugan panitikan na nagmula sa isang kaklase ko sa FIL 11.
Aaminin ko, mahirap intindihin ang totoong kahulugan ng panitikan. Mahirap sabihin kung ang isang teksto ay isang uri ng panitikan. Mahirap bigyan ng sariling kahulugan o interpretasyon ang panitikan. Mahirap. MAHIRAP.
Pero mahirap man, mahalaga naman ito sa buhay ng tao. Isa itong paraan upang mailabas natin ang ating emosyon at saloobin sa masining na paraan. Nagkakaroon tayo ng dahilan upang pagisipan ng mabuti ang kahulugan ng bawat awit, tula at mga tekstong pampanitikan.
Kakatapos ko lamang kumain ng tanghalian at naisip ko na parang tinik pala ang panitikan. Bakit?
Una, ang tinik ay nasa kaloob-loobang parte ng isang isda. Hindi mo ito makikita agad kung hindi mo tatanggalin ang laman ng isda. Sa panitikan, ang kahulugan ay nakatago sa pinakamalalim na bahagi ng isang sining: maging tula, kanta o pag-arte pa ito.
Ikalawa, iba-iba ang interpretasyon natin sa tinik. Sa mga katulad ko, wala itong saysay sa pagkain ng isda. Sa totoo lang, nakakainis ang tinik pagdating sa pagkain. Para naman sa mga maka-siyensya, mahalaga ang tinik sa buhay ng isang isda dahil ito ang nagsisilbing backbone ng hayop na iyon. Maaring sipsipin pa ang tinik upang malasap ng todo ang nilalaman ng isdang kinakain. Pagdating naman sa panitikan, kailangan din himayin at sipsipin ang bawat detalye para maunawaan mabuti ang kahulugan nito.
Ikatlo, iba ang pakiramdam kapag na-tinik habang kumakain. Masakit. Mahirap. Kahit na anong gawin upang maalis ito, nandoon pa rin ang sakit. Parang panitikan, kapag naipasok mo ang iyong sarili sa iyong binasa o inuunawang teksto, mahrap na makaalis. Nakadikit na sa iyo kung ano ang iyong naunawaan at mahirap itong makalimutan. Iba talaga ang tama ng panitikan. Parang tinik nga naman.
Nag-iba ang tingin ko sa panitikan. Akala ko ay mabilis lang ito unawain ngunit noong tumungtong ako sa kolehiyo, aking napagtanto na isang mabigat na salita pala ito.
. . . . . . . . . .