Sabado, Setyembre 28, 2013

Ang Lakas ni Maganda

P A N S I N I N




B: "Honey, saan ka pupunta?"
L: "May gulo raw sa kabilang kalye, tutulong lang ako."
B: "Ganun ba? Sige sasamahan na kita."
L: "Bakit pa? Dito ka lang. WALA kang magagawa roon."
Malungkot na bumalik ang babae sa kanyang silid.

B: "Honey, saan ka pupunta?"
L: "Ipapaayos ko lang ang kotse natin."
B: "Bakit? Anong sira?"
L: "Basta. Hindi mo maiintindihan."
B: "Sama na lang ako sa iyo."
L: "Bakit pa? Dito ka lang. WALA ka namang maitutulong."
Malungkot na bumalik ang babae sa kanyang silid.

B: "Honey, saan ka pupunta?"
L: "Magpapahangin lang."
B: "Mukhang problemado ka? Anong problema?"
L: "Basta."
B: "Samahan kita, usap tayo sa labas."
L: "Dito ka lang."
B: "Bakit? Ano ba ang pwede kong maitulong sa iyo?"
L: "WALA."
Malungkot na bumalik ang babae sa kanyang silid.

Isang araw, lumabas na naman ang lalaki at naiwang mag-isa ang babae sa kanilang bahay. 
"Wala ba talaga ako sa lipunang ito?" tanong nito sa sarili. Naisipan niyang lumabas ng kanilang bahay. Pumunta siya sa isang tindahan sa kanto ng kanilang kalye. Napansin niyang puro lalaki ang nakapila rito ngunit tumuloy pa rin siya sa tindahan.

"Mis, mauna ka na."

Nagulat ang babae nang paunahin siya sa pila ng mga lalaki. "Oh akala ko ba wala lang ako? Buti pa kayo, napapansin niyo ako." bulong nito sa sarili. 

Matapos bumili, pumunta siya sa isang tambayan kung saan ang mga drayber ng traysikel ay nanonood ng pelikula sa telebisyong nakalagay doon. Tumayo siya sa likod ng mga nakaupong lalaking drayber at nakinood.

"Oh mis upuan, ikaw na lang ang umupo."

Nagulat ang babae sa pag-aalok sa kanya ng upuan ng mga drayber. "Oh akala ko ba wala lang ako? Buti pa kayo napapansin niyo ako." bulong nito sa sarili. 

Matapos makinood ng pelikula ay napansin niya na dumidilim na ang paligid kaya naman minarapat na nitong umuwi. Pag-uwi sa kanila, natagpuan nito ang kanyang asawa na nahihirapan sa pagluluto ng pagkain.


L: "Saan ka nanggaling?"

B: "Namasyal lang sa labas. Akin na, tulungan na kita dyan."
Hindi nakasagot ang lalaki. Hindi niya nakuhang tanggihan ang alok ng babae.

B: "Oh ayan, tapos na. Tara kain na tayo."
L: "Salamat honey."

Nagulat ang babae sa sinambit ng kanyang asawa. 
"Oh akala ko ba wala lang ako? Buti naman napansin mo na ang kakayahan ko."

.     .     .     .     .     .     .     .