Sabado, Hulyo 27, 2013

May Pera sa Basura

SIPAG AT TIYAGA

Nagkaroon kami ng diskusyon sa klase noong Lunes tungkol sa "Anyaya sa Karalitaan" ni Manuel Principe Bautista.

Pag-uwi ko sa dorm at pagbukas ko ng aking laptop, may nakita akong isang balita na maaaring maihalintulad sa huling linya sa tulang ito:

"Dapat mong mabatid na sa kahirapan,
Lalong gumaganda ang pangit na buhay!"

Ang balita na aking nakita ay tungkol sa buhay ni Aling Trining, isang dating basurera na ngayon ay milyonarya na. Nakakagulat ano?

Ipinakita sa video na aking napanood kung paano niya natupad ang kanyang mga pangarap na umasenso ang buhay. Pangarap niya maging abogada noong bata pa siya. Grade 6 lang ang inabot ni Aling Trining at noong 11 taong gulang siya ay iluwas siya sa Maynila. Doon siya napasabak sa pagbibilang ng basura pero hindi niya inakalang may pera sa basura. 

Sa junk shop na rin na iyon niya nakilala ang kaniyang asawa ngayon, at noong lumaki ang kanilang pamilya ay nagtayo na sila ng sariling junk shop. Bumibili sila ng basura at ibinebenta nila ng may tubo. Tinatago nila yung mga tubo upang maka-ipon. Doon nagsimula ang pagbabago sa buhay nila.

Kung dati ay nagsisiksikan lang sila sa isang maliit a sulok sa Taytay, Rizal na kanila pang inuupahan, ngayon ay may three-story building na bahay na sila. Napagtapos na rin niya ng kolehiyo ang kaniyang mga anak. Mula sa papulot-pulot lang ng basura noon, si Aling Trining ay reyna na ng junk shop ngayon.

Nakakabilib at nakaka-antig talaga ang ganitong mga istorya, lalo na't kapwa natin Pilipino ay nakaranas ng ganito kalaking pagbabago sa buhay nila. Sipag at tiyaga lang talaga. Hindi sila nawalan ng pag-asa at kahit sa simpleng junk shop lang ay napa-unlad nila ang kanilang buhay. Ginamit lang talaga nila ang mga natutunan nila noong nasa karalitaan pa ang buhay nila para marating ang estado ng buhay nila ngayon. 

Sabi nga ng reporter sa aking dokyumentaryang napanood,
"Isa itong patunay na ano mang hirap,
HINDI IMPOSIBLENG UMANGAT SA BUHAY." 

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Narito ang documentary video ng pag-unlad ng buhay ni Aling Trining.

Sabado, Hulyo 20, 2013

Panitikan, Patinikan.


             T I N I K            


"Ang panitikan ay isang malaya at mapagpalayang sining na nagpapahayag ng damdamin sa isang matalinhaga at organisadong paraan na maaaring gawan ng iba-ibang interpretasyon buhat sa iisang kahulugan." 

Iyan ang kahulugan panitikan na nagmula sa isang kaklase ko sa FIL 11.


Aaminin ko, mahirap intindihin ang totoong kahulugan ng panitikan. Mahirap sabihin kung ang isang teksto ay isang uri ng panitikan. Mahirap bigyan ng sariling kahulugan o interpretasyon ang panitikan. Mahirap. MAHIRAP.

Pero mahirap man, mahalaga naman ito sa buhay ng tao. Isa itong paraan upang mailabas natin ang ating emosyon at saloobin sa masining na paraan. Nagkakaroon tayo ng dahilan upang pagisipan ng mabuti ang kahulugan ng bawat awit, tula at mga tekstong pampanitikan.

Kakatapos ko lamang kumain ng tanghalian at naisip ko na parang tinik pala ang panitikan. Bakit?

Una, ang tinik ay nasa kaloob-loobang parte ng isang isda. Hindi mo ito makikita agad kung hindi mo tatanggalin ang laman ng isda. Sa panitikan, ang kahulugan ay nakatago sa pinakamalalim na bahagi ng isang sining: maging tula, kanta o pag-arte pa ito.

Ikalawa, iba-iba ang interpretasyon natin sa tinik. Sa mga katulad ko, wala itong saysay sa pagkain ng isda. Sa totoo lang, nakakainis ang tinik pagdating sa pagkain. Para naman sa mga maka-siyensya, mahalaga ang tinik sa buhay ng isang isda dahil ito ang nagsisilbing backbone ng hayop na iyon. Maaring sipsipin pa ang tinik upang malasap ng todo ang nilalaman ng isdang kinakain. Pagdating naman sa panitikan, kailangan din himayin at sipsipin ang bawat detalye para maunawaan mabuti ang kahulugan nito.


Ikatlo, iba ang pakiramdam kapag na-tinik habang kumakain. Masakit. Mahirap. Kahit na anong gawin upang maalis ito, nandoon pa rin ang sakit. Parang panitikan, kapag naipasok mo ang iyong sarili sa iyong binasa o inuunawang teksto, mahrap na makaalis. Nakadikit na sa iyo kung ano ang iyong naunawaan at mahirap itong makalimutan. Iba talaga ang tama ng panitikan. Parang tinik nga naman. 
Patinikan, pahirapan.


Nag-iba ang tingin ko sa panitikan. Akala ko ay mabilis lang ito unawain ngunit noong tumungtong ako sa kolehiyo, aking napagtanto na isang mabigat na salita pala ito. 

. . . . . . . . . .


Sabado, Hulyo 13, 2013

Ano ang pinagkaiba?

TRADISYUNAL vs MODERNO


Habang kami ay nagdidiskusyon sa klase ng FIL 11 noong Miyerkules tungkol sa tradisyunal at modernong mga kaalaman, biglang gumunita sa aking mga isip ang aking kabataan.


Noong ako ay bata pa, kami ay nanirahan sa aming unang bahay sa Nagcarlan, Laguna. Tandang-tanda ko pa ang aking mga nilalaro noon sa bahay at maging sa kalye, kasama ang kapwa ko mga bata sa aming lugar.


TEKS
Ang larong ito ay ginagamitan ng mga maliliit na baraha at pinipitik pataas. Kung tama ang aking pagkaka-alala, ang mga nakataob pagbagsak ay mapupunta sa kalaban habang ang mga nakaharap naman ay mapupunta sa iyo. Masaya ang larong ito dahil umaasa lang kami sa swerte. Walang nagkakasakitan dito dahil maliliit na bagay lang ang gamit namin. Minsan nga ay pagandahan pa kami ng disensyo ng mga teks at iniingatan namin ang magaganda ang pagkakagawa at yung mga bago pa.


                           BEYBLADE
Naaalala ko pa ang pagkahilig ko sa beyblade noong bata pa ako. Hindi man ito ganoon ka-luma ay maituturingko pa rin itong tradisyunal dahil parte ito ng aking kabataan at hindi ito ginagamitan ng kung anomang baterya o kuryente. Ang kailangan lang ay diskarte at lakas ng kamay sa paghila ng tali upang mabilis ang pag-ikot ng beyblade. Maituturing itong parang trumpo ngunit mas maganda ang panlabas na anyo at mas nababagay ang itsura sa mga batang palaban. Kapag ay uuwi noon sa bahay ay ito agad ang aking hinahanap. Maraming nabibiling mga beyblade noon kahit sa mga palengke. Mura man, kung malakas naman ay iyong paggamit at madiskarte ka ay maaari kang magwagi sa mga laban.
Ang beyblade nga pala ay hango sa isang palabas sa telebisyon noong ako ay bata pa.


POGS
Ang pogs naman ay nauso noong ako ay nasa ikatlong baytang sa elementarya. Kailangan dito ng diskarte at lakas ng pagbato ng isang pog sa grupo ng mga pogs. Ang lahat ng bumaliktad ay mapupunta sa tumira. Halinhinan din ang pagtira dito katulad ng iba pang laro. Madalas ako makipaglaro nito sa aking mga kaklase at mga pinsan.



Makalipas ang ilang taon, naglabasan na ang iba't-ibang produkto ng modernong teknolohiya na
nagbigay liwanag sa buhay ng tao. 

Noong una kong narinig ang 'iPhone' ay wala akong pakialam kung ano ito dahil kuntento na ako sa aking cellphone noong mga panahong iyon. Ngunit noong ako ay nabigyan nito, sobra akong nasiyahan. Hindi ko inaasahan na ganoon pala kaganda ang mga laman ng teleponong iyon. 



Noong mga panahong iyon ay maramdaman ko naang pagbabago ng panahon. Napagtanto ko na tapos na ang aking kabataan at unti-unti na akong tumatanda kasabay ng pagbabagosa teknolohiya. Kaunting pindot lang ay may bago na akong laro na maaaring gamitin pampalipas ng oras. Kapag may nauso na bagong laro ay maaari na akong makibagay agad ng hindi na gumagastos. Maaari rin akong makipaglaro sa aking mga kaibigan sa malayong lugar sa pamamagitan ng internet.

Hindi natin makakaila na maganda rin ang epekto ng mga modernong bagay sa ating buhay. Napapadali nito angpakilipagsapalaran natin araw-araw. Higit na mas malaya ito kumpara sa tradisyunal na mga kaalaman. Sa kabilang banda, may mga kalamangan din naman ang tradisyunal na mga bagay sa modernong mga bagay. Ang mga tradisyunal na laro ay nakakatulong sa paggamit ng ating buong katawan sa paggalaw at pagdiskarte upang makapamang sa kalaban. Mas ginagamitan din ito ng malalim na pagiisip para hindi mapahiya sa harap ng mga kaibigan. Tama naman diba? Sino ba naman ang gustong matalo sa harap ng kanyang mga kaibigan. Ang paggamit ng makabagong teknolohiya ay maaaring gawin tayong tamad. Pwedeng nakaupo ka lang buong maghapon sa paglalaro, hindi mo na naehersisyo ang iyong katawan. Mas
magkakaroon din tayo ng kaibigan kung lalabas tayo ng bahay at makikipagsalamuha sa iba sa paglaro ng mga tradisyunal na laro. Paano kung nabaoj ka na sa paggamit ng iPad at hindi ka na lumalabas ng bahay niyo? Paano na ang mga kaibigan mo na sa labas ay nagpapakasaya? Kapag nakalimutan ka na nila, saan ka na pupulutin?

Sa bandang huli, kailangan talaga natin pagisipan ang ating paggamit ng ating oras. Hindi dapat kalimutan ang mga tradisyunal na bagay. Hindi porket nandyan na ang mga makabagong kaalaman ay doon nalang tayo magtutuon ng pansin. Tandaan natin na hindi magiging posible lahat ng ito kung hindi nagmula sa mga tradisyunal na kaalaman. Ating tandaan ang napakasikat na kasabihan:

"Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan."